...pagbabahagi ng aking opinyon, tugon sa isang napagandang pagtatalang buhay ng pelikulang 'Heneral Luna'...
Heneral,
Eto po ang aking ulat sa Pilipinas ngayon, mahigit isang siglo mula sa iyong masalimuot, at di makatuwirang kamatayan.
Sa nakalipas na siglo, marami ng nagbago sa ating bayan.
Una, hindi na tayu sakop ng mga dayuhan. Isa ng demokratikong bansa ang Pilipinas.
Subalit sa ilalim ng demokrasyang ito, namamayagpag ang pinakamatinding kalaban ng ating lahi - ang ating sarili. Ang ating gobyerno ay hindi mauubusan ng mga pinakapipitagang pinunong nagkukubling santo sa tamis ng kanilang pananalita at huwad na pakikibagay sa mga dukha para lamang maluklok sa pwesto. Naglipana ang mga kapit-tuko na walang delikadesa o konsensya o dignidad na magbitiw sa tungkulin sa kabila ng tawag ng mamamayan.
Ang pagiging makabayan ay isang lumang tugtugin na kadalasan sumasabay lang sa kasikatan ng ating mga atleta, sa tuwing makikipagtungali sa ibang bansa. O sa mga malimit na pagkakataong kagaya nito, matapos ang pagsasadula sa sine ng inyong buhay. Napalitan na ng mga idolo sa kamera ang mga bayani sa ating kasaysayan.
Marami ng nagbago noon at ngayon, Heneral. Wala na ang mga dayuhang mananakop. Ngunit nanatili pa rin ang pangunahing kalaban ng ating lahi - ang ating mga sarili.
Umaasa sa bagong kamalayan,
-Isteban
-Isteban
No comments:
Post a Comment